Nung huling semestre ko sa UP nakumbinsi ko rin ang tatay ko na patirahin ako sa dorm, para akong nakawala sa bilibid fortress, gabi-gabi basta walang ulap at hindi maulan at walang exams nanduon ako sa UP observatory sa likod ng Sampa dorm at nakatingala sa langit at pinagmamasdan ang mga bituin at planeta. Pinangarap ko pa noon na maka-discover ng kometa kaso di ganoon ka-powerful ang telescope ng UP kaya di ako nakahanap hehehe. Pero ang mas na-aalala ko ay yung mga kawirduhan na ginagawa naming tatlo nila Daday at Cacofonix. Kami yung tipong walang pakialam sa mundo noon, hindi nila ako ka-batch dahil mas una sila sa akin pero ewan ko kung bakit at paano ba kami talaga pinagtagpo ng hanging habagat. Ang tambayan naming tatlo noon ay laging sa FC, kaibigan naming lahat ang mga tao doon except yung mga professors; malapit kami sa mga janitors, custodians, messengers, tindera ng banana-q, tindero ng fishballs at isne (kinoyn ko ang word na ito: pinaghalong mais at mane = isne) na paborito naming isnak. At dahil kaibigan nga namin yung mga janitors, may access kami sa conference hall, minsan ino-on namin yung aircon at doon kami walang ilaw syempre baka mabuking kami ng mga authorities e sipain kami palabas kaya binubuksan na lang namin ang isang bintana para meron kaming liwanag. Si Daday nagdadala ng lambanog na super sarap dahil aged at nilalagyan ng tatay niya ng raisins at chopped apples yata, ninenenok niya sa cellar ng tatay niya. FC ang tambayan namin kasi lagi naming inaabangan yung mga crush namin na professors at lecturers. Pinapadalhan namin sila ng anonymous love letters at pasikretong itina-tack sa pintuan ng cubicles nila, sabay takbo pag may taong padating. Yung mga nabibiktima naman namin syempre eh nai-intrigue, sumasagot lagi dun sa love letters at mukhang nag-eenjoy talaga at laging parang nag-eexpect ng updates at kasunod, ang banidad nga naman :)mga nerdy kasi. Mahilig rin kaming maglakad around academic oval lalo na pag dapit hapon na, pinapanood namin ang paglubog ng araw sa pinupwestuhan namin sa steps ng Quezon Hall. Tapos isang araw, nagka-idea kami na akyatin namin ang tuktok ng Quezon Hall (Admi. bldg.), syempre bawal, pero nung nalingat yung gwardiya sinalisihan namin at libre kaming naka-akyat. Ang sarap sa itaas ng Quezon Hall kasi kita buong Diliman tapos puro puno at greeneries pa ang paligid. Doon kami nagkakantahan at nagkukwentuhan ng kung anu-anong maisipan namin while lying down on the concrete beam that connects its pillars. Doon kami minsan nagpapalipas ng maghapon talking about our dreams and aspirations and other mundane and silly things, and believe me there’s nothing like it. Iba kasi ang perspective pag nasa mataas na lugar, parang you feel so free and detached and powerful because you are above many things, like some sort of escape (hohum)pati hangin mas sariwa ng konti. Naakyat din namin ni Daday ang attic ng Main Library (wala si Cacofonix noon at may sipon yata), ang daming lumang magazines na from mga 1920’s pa, readers digests, liwayway, comic books, old sculptures and art paraphernalias, portraits of statesmen, literary greats, volumes upon volumes of old books, at ang pinakapaborito ko sa lahat: books of Severino Reyes na Mga Kwento ni Lola Basyang, at mga lumang makinilya. Grabe rin ang alikabok, and the smell, my goodness, the smell, musty and old but not offensive, I guess the operative word to depict the moment is ‘whimsical’. It was like travelling back in time. Ganoon siguro ang amoy nung 1920’s, 30’s, and 40’s. Hanggang attic lang kami dahil naka-lock ang pinto palabas kaya di kami nakapunta sa mismong tuktok nung building .
Napagkasunduan din naming tatlo na from Monday to Thursday cheap ang kakainin naming lunch: rice at isang maliit na bb-q at isang damukal na atsara (libre kasi atsara), o kaya monay na ti-noast na ini-slather-an ng ketchup, hot sauce, asin at paminta (o parang pizza di ba?), at kung anu ano pang mura. Ok, ngayon pagdating ng Friday marami kaming pera dahil four days kaming nagtipid eh; kakain naman kami ngayon sa mamahaling restaurant, full course ha, minsan nga sa mga hotels pa eh. Ganun ang gawain namin noon. Minsan may ibang kakilala na sumasama sa amin di kasi maiiwasan, nagpo-potluck naman kami sa UP lagoon may dala pa kaming radio casette at naka tune-in sa MELLOW TOUCH or mga oldies sa DZMB. Isang beses nga sa Wild Life Park pa, kinakanta pa namin yung mga kanta ni Sampaguita, hehehe.
Yung dalawa, siguro nabwisit na sa math at para maiba naman at magkaroon ng diversion nag-enroll at sumama sa isang klase ko sa advanced linguistics (language and context), at dahil advanced nga yung course tatlo lang kami sa klase at doon sa office nung prof. kinu-conduct yung class, sa associate dean’s office ng college of social science dahil associate dean yung prof. puro kahihiyan ang inabot ko dahil nirekomenda ko sila dun sa prof. at tinanggap naman sila ng taos puso sa klase pero yun pala tutulugan lang, sa harap pa mismo nung prof. ha habang nagle-lecture at pinag-uusapan namin si Descartes at Chomsky. Kahit ilan beses ko ng sipa-sipain sa paa at sundutin ng dulo ng payong sa tagiliran ayaw pa rin magising nung dalawa, mamatay-matay ako sa kahihiyan dun sa prof. patay-mali na lang yung kawawang professor. Pero ang talagang pinag-enjoy-an namin na klase ay yung creative writing course ni Prof. Sikat. Nagsulat kami ng mga maikling kwento tapos diniscuss namin sa klase, super enjoy kami doon. Yun namang kwento sa speech class, ganito nangyari don: magkapartner kami ni daday gumawa ng report at dahil interesado na rin ako sa mental illness noon pa sinuggest ko sa kanya na mag-interview kami ng isang borderline luka-luka, pumayag naman si daday. ang problema walang time pumunta sa mental, eh nagkataon nandun naman si cacofonix, so sabi ko si cacofonix na lang interbyuhin namin ililibre na lang namin ng royal true orange at hi-ro choco cookies pagkatapos. pumayag naman si cacofonix ang venue doon sa isang sulok sa econ. bldg. naka-tape pa nga yung interview eh, very convincing na luka-luka si cacofonix, ang galing mag-digress at mag- off tangent at mag halu-halo ng sagot sa mga tanong. convincing enough na nakakuha kami ni daday ng 2.25 na grade sa speech, mahirap pa kausapin yung teacher na si Josie and the Pussycats pero binigyan kami ng 2.25 happy na rin kami ni daday.
Tapos nung huling semester na nung dalawa medyo nagkawatak-watak na kami kasi medyo intense na kailangan yung focus sa academic dahil pa-gradweyt na sila. Dumalang na kaming magkita-kita pero kahit paano nagkikita-kita pa rin. Palagi na akong nag-iisa nung last semester pero naging barkada ko naman si tito Ding (Hi tito Ding! hope you’re having a great time up there in heaven, or wherever :) , isang prof. sa History na super bait at naging tataytatayan ko, at si Lorraine, at si Bobby T. and the brilliant (the late) Silvino Epistola na hingian ko ng pisong pamasahe sa ikot jeep. Hanggang matapos ko na rin yung course ko at mapatapon na ‘ko sa Estados Amerika para sa grad school. Ahh memories….